Ang "Spice Trade" sa Kasaysayan Ng Pilipinas

Ng marating ng mga Griyego sa pamumuno ni "Alexander the Great" ang Persia, Palestina, Arabia at India (ca. 300 BC). Namangha sila sa mga eksotikong pamamaraan ng paghahanda at pagpreserba ng mga lutuin at pagkain ng mga bansang nasakop nila gamit ang mga kilalang "Spices". Ang mga Romano (Romans) naman ay pinilit alamin ang ruta o "trade routes" ng nasabing kalakal. Subalit noong pa man panahong iyon, kontrolado na ng mga Arabians o Arabo at ilang ilang nasyon sa silangan (East) ang pangangalakal ng mga eksotikong produkto tulad ng "Spices". Ang tanong ng mga Europeo..."Saan nanggaling ito?" Sa kadahilanang mahirap at tila malayo ang pinagkukunan, naging mahal ang presyo ng nasabing spices sa mercado ng Europa. Kadalasan mga hari at mga royalty o yung mga dugong bughaw lamang ang nakakabili at nakagagamit nito. Halimbawa, noong panahong medieval,  ang "Piper Nigrum" - black pepper o paminta ay tinawag na "black gold" dahil sa taas ng halaga nito, na kadalasa'y ginagamit pa na pang regalo sa mga hari. Marami din ang nagsasabi na ang isang malaking dahilan kung bakit pinilit mabawi ng mga "Crusaders" ang Holy Land ay ang nakatago nilang hangarin makontrol ang mga eksotikong kalakal tulad ng Spice Trade. 

 
Ang ruta o "trade routes" ng mga spices. 100-1500 AD

  


   
Ilustrasyon ng pag aani ng "paminta" sa  Coilum sa India. Ika 14 na Siglo

Noong 1453, sa pagbagsak nga ng kristiyanong Constantinople sa kamay ng mga muslim na Ottoman at sa patuloy na monopolya ng ilang Italyano sa spice trade ng region, tuluyan ng nahirapan ang nakararaming Europeo pumapel sa nasabing kalakal. Kaya napilitan silang maglayag sa karagatan upang humanap ng bagong ruta papuntang silangan kung saan pinaniniwalaan nilang nagmumula ang mga Spices. Nang marating ng mga Portuges ang India, nalaman din nila na ang isa sa pangunahing lugar na pinagkukuhanan ng Spices ay isang lugar sa Timog-Silangan Asya na tinatawag na  Moluccas. Ang Moluccas ay nasa ibaba lamang ng isla ng Mindanao, parte ngayon ng Indonesia. Nalaman din ng mga Portuges na malaki ang papel ng mga Chinese at mga Malayo sa Spice trade dahil sila ang nag kalakal nito mula Moluccas papuntang India.

 
Siege of Constantinople mula sa "Chronique de Charles VII"- obra ni Jean Chartier



Noong 1519 dahil sa pag iwas sa karibal nitong Portugal, naglayag ang isang flotilla ng mga Galleon ng Espanya sa pamumuno ni Magellan patungo kanluran upang humanap ng ibang daan patungo sa Moluccas. At noong 1521, narating ni Magellan ang mga islang tatawaging balang araw na Pilipinas. Dahil malapit ito sa Moluccas, noong una ay inakala ni Magellan na maraming "Spices" dito. Talo. Wala gaano spices at hindi rin ugali ng mga tao sa isla na magtanim nito. Nang sakupin ng mga Kastila ang Pilipinas,  ginamit nilang "outpost" ang bansa sa pangangalakal ng produktong Chino, (Galleon Trade) at ang pagpapalawig ng Katolisismo. 





                                Ilang Kilalang "Spices"   

Black Pepper (Piper Nigrum), "Paminta"- Kilala bilang "King Of Spices",  ginagamit  na noong araw  pa sa Ehipto at sa Roma . Ang Black Pepper ay nagmula sa Timog-Silangan Asya kinakalakal ito papunta sa Europa noong unang panahon sa pamamagitan ng mga kilalang trade routes gaya ng "silk road" at sea routes na karaniwa'y kontrolado ng mga Arabian at Indian merchants.  Napakamahal noon ng presyo ng paminta, katunayan ginamit din ito bilang "currency "  o pera sa ilang lugar sa Europa.




 

   
Nutmeg  (Myristica fragrans)- Ang giniling na buto ng nutmeg ay karaniwang ginagamit na sangkap sa ilang lutuing noong panahon "Medieval" sa Europa. Mahalaga din ito sa mga kulturang Muslim para sa kanilang lutuin at ginagamit din bilang gamot. Ang "Mace" naman , ang outer lining o ang nakabalot sa buto ng nutmeg na may kulay pula (nasa ilustrasyon) ay ginagamit din pampalasa sa ilang delicacy sa Europa at Arabia. Ang pinaka kilalang puno ng Nutmeg (Myristica fragrans) ay nagmula sa isla ng Banda, Indonesia, parte ng Moluccas, taal na matatagpuan lamang ito sa nasabing lugar noong unang panahon kaya inilihim ng mga nangangalakal nito ang lugar at ito din ang dahilan sa mataas na presyo nito.

 


Cloves (Syzygium aromaticum)- Ang bulaklak ng cloves ang siyang inaani at pinapatuyo, isa rin ito mahalagang sangkap sa mga lutuing "Middle Eastern" kaya naman  ito ay nakagawian din ng mga Europeo. Karaniwan gamit ito sa mga fruit cakes at pastries. Ang cloves ay mula din sa isla ng Moluccas.

  

Cinnamon- Ang balat ng puno o  "tree bark" ng Cinnamon ay siyang inaani upang  gamiting pampalasa at aromatic. Maraming species ng Cinnamon ang matatagpuan sa mundo. Matagal at kalat na din ang pag gamit ng Cinnamon noong araw pa. Sa Indonesia ito ay kilala sa tawag na "kayu manis" (sweet wood).




Comments

Popular posts from this blog

Father Francisco de Paula Sanchez: Rizal's Batman

Jose Rizal's Bomb Plot

Pinagbuhatan Fiesta -- San Sebastián