Paghuhukay Arkeolohikal Sa Barangay Pinagbuhatan Pasig

Isang halimbawa ng  14th Century Ming Dynasty trade ware nahukay sa Pilipinas (Wiki)


Noong taong 1952, sa kasunduang ng gobyernong nasiyonal ng Pilipinas at munisipalidad ng Pasig napasakamay ng American industrialist Harry Stonehill ang parte ng lupang sakop ng Barrio Pinagbuhatan, Pasig-- Kilala ang malawak na kapaligiran noon sa isang parte nito na tinatawag na "Sitio Patukod".

Lumipas ang ilang buwan, sinimulan din ang sistematikong paghuhukay sa nasabing lugar upang magtayo ng mga pundasyon sa isang planta ng salamin. Sinasabing ito ang magiging pinaka malaking planta ng gawaan ng salamin sa buong Timog Silangan Asya. Tatawaging Republic Glass Corporation (RGC).
Subalit sa paghuhukay ng pundasyon ng isang area ng planta, natagpuang may mga artifacts pala na nahuhukay dito. Hindi agad ito naipalaalam sa mga taong maaring makagawa ng pag- aaral dito maging ang munisipyo ng Pasig ay hindi agad-agad nakapagbigay ng ukol na pagkilos upang mabigyan kaalaman at maisalba din ang ilang artifacts na nahuhukay.
Noong 1957, doon lang nakarating sa kaalaman ng dalawang ekspertong Archeologist ng UP sina-- Florante Henson, at Wilfredo Ronquillo ang sinabing nahuhukay na mga artifacts. Nag-umpisa ang pag aaral at patuloy na paghuhukay sa area mula sa huling taong ng 1950s, naulit uli ito noong 1966 , 1967 1968, sa ilalim din ng patnugot ng National Museum of the Philippines.
Sa patuloy na pag aaral ng National Museum hanggang 1973, lumalabas na karamihan ng artifacts na nahukay sa area ng Republic Glass Corporation ay mga paso at porcelana na sinasabing mula sa ika 12 hanggang ika 16 na siglo. (12th to 16th Century CE). Pinaniniwalan na ang lugar marahil ay natirahan ng mga sinaunang kumunidad ng Pinagbuhatan.
Noong 1990s naman sa pamumuno ni Profesor Victor Paz ng UP, gumawa ng paghuhukay at pag aaral muli sa nasabing lugar, lumalabas na may mga nahukay pang artefacts na "tradeware ceramics" mula pa sa panahon ng Sung Period (10th to 12th Century) Mayroon din natagpuang ilang artefacts na mula sa panahon ng Ming Dynasty (14th - 17th Century)--Nagpapatunay na ang lugar ay natirahan pa hanggang 1600s.
Ayon naman sa ilang mga lumang naratibo,ang area kung saan natagpuan ang archeological site ay ang dating lugar kung saan noon pa ay maraming nakatayong puyahan (o alagaan ng itik). Maaring masabi na ang uri ng hanapbuhay na ito ay ginagawa na ng mga sinaunang mga kumunidad na pumisan sa lugar. Maasasabi din na ito ang isang sentro ng aktibidad ekonomikal ng sinaunang Pinagbuhatan. Sa nasabing area din matatagpuan ang daang tubig kung saan dumadalo'y hindi lang ang transportasyon, komersyo at mga pangunahing hanap-buhay noon ng sambayanan.
Noon pa man sa panahon ng mga Amerikano, ang kapaligiran ng Laguna de Bay at ang daan tubig patungo Pasig River -- kung saan nga matatagpuan din ang baybayin ng Pinagbuhatan, ay kinilala na ng bantog na American anthropologist Henry Otley Beyer (1883 – 1966) bilang mahalagang lugar sa pag aaral archaelohikal at anthropolohikal ng mga sinaunang pamayanan sa bansa. Dahil na din sa mga natatagpuan at nahuhukay na mga artifacts dito.

Matapos ang huling paghuhukay noong 1990s, hindi na muling nasundan ng ano pang pag aaral o imbestigasyon ang nasabing archeological site.

Comments

Popular posts from this blog

Father Francisco de Paula Sanchez: Rizal's Batman

Jose Rizal's Bomb Plot

Pinagbuhatan Fiesta -- San Sebastián