"Pasig - Pantayanin" ni Julio Nakpil


Julio Nakpil – Kompositor, rebolusyonaryo, mandirigma;  Sa kasalukuyang panahon tila mahirap pagsamahin ang mga katangiang  nabanggit sa katauhan ng  iisang tao.  Sa dahilang kadalasan ang ideya ng karamihan sa isang  musiko-kompositor  ay -- Isang indibidwal na habang ang paligid ay nagkakagulo o nagrerebolusyon,  nandoon lang siya at nakaupo lamang sa isang sulok,  nagkukutingting ng piano o ano mang instrumento.  Walang pakialam at kung meron mang opinyon,  sasarilihin na lamang.

Ano pa at sa panahon ngayon ng K-Pop at ng Rap,  naitatanong ko din naman kung  mauunawaan pa kaya o di kaya’y makaka “relay” pa ang maraming Pilipino, lalong lalo na ang mga Pasigueno sa personalidad na ating tinatalakay, sa kanyang komposisyong marcha na may pamagat na "Pasig-Pantaynin" na nakahibla na sa kasaysayan ng Katipunan sa Pasig? 


             Pasig 1839.   Tulay "Fr. Felix Trillo" guhit ng  French painter Auguste Borget (1808-1877).


Quiapo

 Ipinanganak sa Quiapo Maynila noong ika- 22 ng  Mayo 1867,  sa mag asawang Juan Nakpil Luna at Juana Garcia Putco.   Ang ama ni Julio Nakpil  ay kilala din bilang musiko, isang flutista at kompositor na naging miyembro ng banda at orkestra sa nasabing lugar.  Pamilya at lugar ng kapanganakan, ang pangunahing impluwensya.  

Subalit ang Quiapo,  sa panahon ni Julio Nakpil ay ibang iba sa Quiapo sa kasalukuyang panahon.   Ang pook ay  maaring masasabing minahan ng pananaliksik patungkol sa kasaysayan sining sa Maynila.  

Sa distrito ng Quaipo noon,  matatagpuan ang maraming “artisano”  o mga “craftsman” ng mga hanapbuhay o negosyong may relasyon sa mahusay na gawaing kamay. Mga sining sa paglikha gaya ng mga plateria at mga alaheria.  Ang pad disenyo at pag gawa ng alahas ang siyang naging negosyo at ikinaunlad ng pamilyang Nakpil . 

 Sa Quiapo din matatagpuan noon,  ang kakaibang komunidad ng sining at musika.  Itinayo noon ang mga kilalang sinaunang  teatro, na nagtatanghal,  ng sa una ay  “Zarsuelang Kastila”,   na sinundan din ng  “Sarsuwelang Tagalog” .  Mga teatrong tulad ng Teatro Lirico (1830’s) , Teatro de Quiapo, at ang binanggit ni Rizal sa “El Filibusterismo”, ang  Teatro de Variedades. 

 Makikita din sa Quaipo ang mga kilalang banda at orkestra.  Mga batikang maestros de musica. Mga sinasabing  siyang mga nagtayo ng maliliit na eskwela para sa pagtugtog.  Kaya naman hindi na maikakaila ang impluwensya ng distrito sa napiling bokasyon ni Julio Nakpil.

Sariling Aral

 Ayon sa biografia ni Julio Nakpil na  sinulat ni Encarnacion Alzona,  dalawang taon lamang ang itinagal ng kompositor sa “Escuela de Instrucion Primaria”.  Hindi daw nakahiligan nito ang sistemang  umiiral sa edukasyon noon.  Mas natuto mag aral sa sarili.  Nagbasa ng mga librong siya mismo ang pumili.  Naging bihasa sa wikang Kastila (Castellano) sa sariling kakayanan.  Maging sa musika, “self study” ang naging sistema nya.   Nag aral muna ng violin sa maestrong nangangalang Ramon Valdes .  At ang piano naman ay sa ilalim ng kanyang pinsang si Manuel Mata.  Matapos ang tila maiiksing panahaon ng leksyon, naging sariling kayod na daw si Nakpil.


Maliban sa pag-aaturga ng mga negosyo ng kanyang pamilya,  ang pagtutog ng piano ang naging isa sa kilalang hanapbuhay ni Julio Nakpil.  (Naging taga ayos at taga tono ng din ng piano).  Naging piyanista ng Malakanyang sa panahon ni Despujol.  Nagtanghal din sa maraming pagtitipon ng alta sociedad ng lipunang Maynila.  Tatlong beses tumugtog sa Malakanyang sa isang linggo.  Sa nasabing mahabang schedule, nagkasakit si Nakpil.  

Subalit sa hanapbuhay nyang piyanista ng Malakanyang,  Ako’y naniniwala na ito ang naging pangunahin niyang kahalagahan sa mata ng Supremo at ng Katipunan. Sa mga piging sa Malakanyang na kanyang natugtugan,   nasaksihan niya  ang lipunan  ng alta sociedad,  mga mahalagang personalidad ng gobyernong kolonyal.  Maari  natin tawagin  “shallow intelligence” ?  Si  Nakpil bilang isang taong nagbasa at humanga kay Rizal ay pamilyar sa satiriko (satirical style & writing)  at pagtuligsa ni Rizal sa lipunan noong panahon na iyon.  Tila imposible sabihin na hindi nakita ni Don Julio o di kaya’y hindi naging mulat sa tunay kalagayan ng bansa.   Bilang isang ‘outsider”,   napasok niya ang mundo ng mga maimpluwensya at may kapangyarihan .  At marahil,  ito ang isa sa mahalagang  karanasan na humubog sa estilo at pilosopiya ng kanyang musika,  mga komposisyon at gayun din sa kanyang pakikibaka sa ilalim ng Katipunan.

Sinasabing si Julio Nakpil ay sumapi sa "La Liga Filipina" itinatag ni Rizal  noong 1892.  (Maari ito ay noong matapos ipatapon si Rizal sa Dapitan, kung saan ang "La Liga" ay nahati sa dalawang pangkat.)  Ang aksyon o pagkilos ni Nakpil sa Katipunan, na siya din mismo ang bumangit, ay nagumpisa noong Ika-2 ng Nobyembre 1896, halos dalawang buwan matapos ang ginawang paglusob ng mga Anak ng Bayan sa San Juan. Sa Sampalok, Maynila, nakipagkita si Nakpil  sa Supremo kasama ang ilang tauhan  upang tumuloy sa kuta ng Katipunan -- sa Balara.


 Musika sa Panahon ni Nakpil

 Hindi maikakaila ang naging impluwensya ng "Age of Enlightenement" (o "Ilustracion" sa wikang Kastila) sa kasaysayan ng sining mula ika 18 hanggang ika 19 na siglo. Isang panahon ng pagkilos intelektuwal at kultural na nag umpisa sa Europa.   Panahon kung saan binibigyan ng malaking halaga ang "katwiran" kaysa sa mga tradisyon,  pamahiin,  doctrina ng mga relihiyon  at mga nakasanayang kauglian.  Ang pangunahing hangarin ng pagkilos ay maisulong ang kapakanan ng tao sa pamamagitan ng Agham.  Isinulong din nito ang liberalismo kasama ang bukas na pagtatalastasan ng mga mamamayan sa mga bagay bagay na pang intelektuwal at hindi sinangayunan ang kalabisan at maling turo simbahan  at relihiyon.  Ito din ang panahon ng mga kilalang indibidwal sa kasaysayan tulad ni Newton, Voltaire, Humbolt, Rousseau, Handel atbp. Paanahon ng pamamayagpag ng mga kilusang tulad ng " Masonry".  Dito din lumabas ang mga “salon”  sa Europa.  Ang kasual o informal na pagtitipon sa isang lugar ng mga manunulat piliosopo,  at iba pang alagad ng sining  upang maghayag ng kanilang mga obra.  Sa huli ay sumunod din ang mga kompositor at musiko tulad ni Lizst at Chopin sa pagbuo at pagsama sa kani kanilang salon musikal.  Sa Pilipinas,  ito naman ay maihahalintulad sa “Tertulia”.

Age of Englightenment - Nasa larawan: A.) imahe ng British Philosopher John Locke. B.) Ang isang salon ng diskusyong scientifico sa Europa C.) Isang obra tungkol sa Cadiz Constitution 1812 D.) Ang larawan nila Rizal, del Pilar at Ponce, mga kilalang Filipino at mga "Ilustrado" sa kasaysayan ng Pilipinas.


Sa kalagitnaan ng Ika -19 na siglo umusbong din sa Europa ang isang pagkilos sa sining ng musika-- Ang “Nasionalismo sa Musika” (Nationalism in Music).  Ang mga kilalang kompositor ng kontinete ay gumamit ng tema o “motif” na kinuha nila sa kanilang kanilang kultura, awiting bayan, katutubong sayaw atbp.  


Ang nasiyonalismo sa musikang Espanyol ay mababanaag sa komposisyon nila Isaac Albeniz, Manuel de Falla , Enrique Granados. Gayun din naman sa musikang pang guitara ni Francisco Tarrega at higit sa lahat sa kultura ng “Zarsuela”.  Nariyan din ang impluwensya ng musikang kastila  sa katutubong teatro sa Pilipinas, lalo na  mga musikang may tempo  “Paso Doble” sa pagtatanghal ng “Moro –Moro” . Mga  musikang banda ,  marcha at paradang pang nayon at bayan.


                         Ilustrasyon ng isang "Tertulia". Maynila Ika XIX na Siglo


Pasig-Pantayanin 

Ang salitang “Pantayanin“ ay ang tawag sa pook ng noo’y isang “command outpost” o kampo ng Katipunan nasa ilalim ng hurisdiksyon ng "Mataas na Sanguniang Kahilagaan" pinamumunuan mismo ng Supremo Andres Bonifacio.  Walang kumpletong ideya kung saan talaga matatagpuan ito sa Pasig. Subalit ang salitang Pantayanin ang nagangahulugan na isang kapatagan sa mataas na lugar o sa bulubundukin.  Sa kasalukuyan mayroon isang sitio sa Antipolo na kung tawagin ay Pantayanin. 

Ang “Pantayanin” ay maari din may pakahulugang deskripsyong militar o di kaya ay  “military terrain” na ginamit ng Katipunan sa kanilang komunikasyong pang militar  o pantaktika  . Halimbawa: Kamaynilaan (Maynila at mga arabales),  Kabundukan , Pamintinan (Montalban) at Pantayanin (Ang malawak na kapatagan sa isang mataas na lugar nag uumpisa sa Ugong Pasig)


Opisyal na selyo ng "Mataas Na Sangunian ng Hilagaan". Na pinamunuan ni Juan Nakpil (Mula sa The Light of Liberty ni Jim Richardson)


Ang "Mataas na Sanguniang Kahilagaan"  o ang northern command ay kinabibilangan ng Maynila, probisnsiya ng Morong, Bulacan at Nueva Ecija. Ang pinaka sentro nito ay walang iba kundi ang Pasig. Si Julio Nakpil ang tinalagang kalihim, at sa kalaunan ay pangulo ng sinasabing command. 


Fascimile ng liham ni Andres Bonifacio kay Julio Nakpil may petsang Ika 13 ng Pebrero 1897. Mababasa : Sa Kap na  M Juilio Nakpil Giliw. Pangulo ng M na Sangunian sa bayan ng Pasig. Ang "nom de guerre ni Nakpil"  ay "Giliw"  (Mula sa The Light of Liberty ni Jim Richardson.)


Kalakip sa pamagat ng komposisyon ang ilang kataga sa wikang Kastila: “Al Ejercito Revolucionario de Filipinas, Pasig-Pantayanin”,  kasama ang deskripsyong , “Paso Doble Militar por Piano”.  Samakatwid ang marcha ay hinahandog sa mga rebolusionaryong kasundaluhan ng bansa, sa Pasig, sa  kampo o "area of operation"  ng mga Katipunero na tinawag na Pantayanin — May petsang Junio 1897.


                                        Ang cover page partita ng Pasig-Pantayanin

 

 Ang Marcha

Ang “motif” na nasiyonalismo,  makabayan o maka Pilipino ay hindi makikita o maririning sa alin man pasadang musika sa nasabing marcha.  Malalaman lamang ang makabayan nitong konteksto sa pamagat na -- “Pasig-Pantayanin”.

Ang estilo ng paso doble ay maihahantulad sa mga marcha na kilala sa Espana at sa maraming bansa sa Europa, usong uso noon ika-19 na siglo.  Ito ay may magaan na ere.  Sa dahilang ito ay isunulat sa piano at hindi kahabaan , maari  ito ay masasabi ding piyesang pang “salon”.  May pagkakatugma sa estilo ng mga valse, polka, at marcha noong sa panahong tinatawag sa gitnang Europa bilang  “Biedermeier Period”. 


Ang Pasig-Pantayanin  ay tipikal na “Sonata Form”.   May parteng tinatawag na exposition,  development , at  recapitulation. May labing dalawang bara para sa introduccion o pasakalye. (Umpisa ng Exposition)


 

 Kapansin pansin ang ere ng “pasakalye na tila kahalintulad sa sikat ng marcha noong 1890’s sa Pilipinas -- Ang “Marcha de Cadiz.

 Ang unang parte ay tatawagin  A . Uulitin ng dalawang beses.  Nasa key of D Major.


 

Matapos ang  dalawang ulit na A, isusunod ang parte B na dalawang beses din uulitin  (AA +BB)

 

Ang B ay maroon “cambio tono” o pagpapalit sa key of G Major

Sa segunda vez o pangalawang ulit ng pagtugtog ng B, pupunta ang tugtugin sa "Bridge" o Tulay

patungo sa "Trio" .  May cambio tono muli, pagpapalit ng key sa C Major.  


Babalik itong muli  sa intro, sa puno o da Capo (Recapitulation) . Tutugtugin ang A at hindi na uulitin. Tutuloy sa B, na wala na din ulit. Pupunta sa bridge at tutuloy na sa Coda, hanggang sa matapos:  Intro -- A--B-- Bridge-- CODA




Konklusyon
Ano kaya ang nararapat upang mabigyan ng kahulugan at tamang kahalagahan ang “Pasig Pantayanin” sa kasalukuyang henerasyon ng mga Pasigueno? 

Ako ay  magahahayag ngayon ng suhestiyon sa mga kinauukulan ng Lungsod ng Pasig na ang musikang “Pasig Pantayanin”  ni Julio Nakpil at ang naratibo sa likod ng nasabing marcha ay maisama sa pagdiriwang pambayan ng Lungsod ng Pasig.  Halimbawa ay gawan ito ng areglong pang banda at maiparinig sa mga mamayan tuwing ika-30 ng Nobyembre sa Araw ng Supremo Andres Bonifacio.

Sa pagwawakas: “Sa panahon ng rebolusyon, habang ang bayan ay nasa dilim ng kaguluhan, isa kang liwanag na aandap - andap . Sa pahanon ng pagwasak, ikaw naman ay lumilikha.  Mabuhay Pasig-Pantayanin!  Mabuhay Julio Nakpil!




References

Alzona Encarnación, & Nakpil, G. (de J. (1964). Julio Nakpil and Philippine revolution. Manila:.Carmelo & Bauermann, Inc

 Grout, D. J., & Palisca, C. V. (1988). A history of western music. New York: Norton.

Harman, A., Milner, A., & Mellers, W. (1988). Man and his music: the story of musical experience in the West. London: Barrie & Jenkins.

 Richardson, J. (2013). The light of liberty: documents and studies on the Katipunan, 1892-1897. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

 Agoncillo, T. A. (2017). The revolt of the masses: the story of Bonifacio and the Katipunan. Diliman, Quezon City: University of the Philippines Press.

 


Comments

Popular posts from this blog

Father Francisco de Paula Sanchez: Rizal's Batman

Jose Rizal's Bomb Plot

Pinagbuhatan Fiesta -- San Sebastián