Ang Balak na Muling Paglusob ng Katipunan sa Pasig
Dokumento ng Katipunan - May Petsang 18 ng Disyembre 1896
Ayon sa nanaig na sanaysay sa mahabang panahon, matapos daw ang hindi matagumpay na paglusob sa San Juan, ang Supremo Andres Bonifacio kasama ang ilang kapanalig ay namundok o nagtago na lamang. Walang narinig, walang balita.
Nitong mga nakaraang mga taon, sa paglabas ng mga bagong pag aaral, mga dokumento tungkol sa Katipunan na nasaliksik at nakuha sa "Archivo" ng Espanya, nabubuo ngayon ang kakaibang larawan ng Supremo. Imahe ng isang pinunong patuloy na nag organisa at patuloy na lumaban matapos ang mga pangyayari sa San Juan. Sa mga nasabi din bagong pag aaral, lalo pang tumibay at kuminang ang sanaysay patungkol sa papel na ginampanan ng sambayanang Pasigueno sa pag aaklas, lumitaw din ang malalim na ugnayan at relasyon sa pagitan ng Supremo Andres Bonifacio at ng Pasig.
Ang hukbo ng Supremo na may bansag na "Mataas na Sanggunian ng Hilagaan" (Katipunan Northern Command) na kinabibilangan ng Maynila, Bulacan, at Probinsya ng Morong ay nakabase o nakasentro mismo sa Pasig. May mga kampong kinikilala -- "Pantayanin" (sa Bacoor ng Pasig), sa Barrio Ugong, sa Balara at sa San Mateo. Pasig din ang isa sa sinasabing "area of operation" ni Emilio Jacinto (ang itinalagang "Military Commander" ng hukbo") at ni Julio Nakpil (Tagapangulo ng Sanggunian).
Noong ika 3 ng Disyembre 1896, isang planong paglusob sa Pasig ang binalak ng "Mataas Na Sanggunian ng Hilagaan. Ito ay maisakatuparan sana sa ika 12-13 ng Disyembre ng nasabing taon. Subalit sa mga nakitang kakulangan hindi natuloy ang balak.
Ayon sa tala ng pagpupulong, ang paglusob ay ipinagpaliban muna sa ibang araw. Binangit din ang mga sumusunod na gawain at paghahanda dapat isakatuparan ng hukbo bago maituloy muli ang nasabing paglusob -- Nakahayag ang utos ng Sanggunian sa ilang kilalang mga Anak ng Bayan ng Pasig at ilang karatig pook ang mga sumusunod: Sa Marikina, inatasan ang "paglupig" sa mga Kastilang kaaway at pag agaw ng mga armas. Sa Cainta, Taytay at Antipolo naman inatang ang pagsamsam ng mga dinamitang pasabog. Ang tropa naman sa Santolan, Pasig ang siyang naatasang gumawa ng kuta o fortification sa pangpang ng Pineda at Malapad na Bato. Iniutos din ang paglalagay ng mga dinamita sa mga daan patungong Pasig.
Sa laman ng dokumento , lumalabas na malaking pag atake ang binalak. Subalit hindi na ito tuluyang nangyari. Kung ito ay natuloy, maaari masasabing ito ang pangalawang yugto ("second pace") ng digmaang rebolusyonaryo sa Pasig. Sa dahilang ang unang pagkilos at pag atake ng Pasig ay nangyari noong ika -29 ng Agosto 1896, ang tinatawag ngayong "Nagsabado".
Samantala ang Supremo naman noon panahon na iyon ay dumating na nga sa Cavite, patungo na sa kanyang Golgotha.
~ Nobyembre 2020. Lungsod ng Pasig,
Comments
Post a Comment