Federico Espino Licsi - (1939-2011)
Si Federico Espino Licsi at ang Panitikang Pasigueño sa Wikang Kastila
Mayroon nga ba mga akdang pampanitikang Pasigueño na isinulat sa wikang Kastila? Isa ito sa mga tanong na hindi pa lubusang nasasagot at nananatiling hamon sa mga nagsasaliksik sa kultura at kasaysayan ng Pasig.
Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, may ilang Pasigueñong nagmula sa mga pamilyang kabilang sa principalia o nakatataas na uri sa lipunan na nakapag-aral sa mga paaralan at pamantasan sa Maynila, kabilang ang Ateneo Municipal at Unibersidad ng Santo Tomas. Dahil sa kanilang pinag-aralan at katayuan sa lipunan, maituturing silang kabilang sa uring ilustrado. Gayunman, hindi pa malinaw kung mayroon sa kanila ang nagsulat ng mga akdang pampanitikan sa wikang Kastila.
Pagsapit ng kalagitnaan ng ika-20 siglo, isang natatanging tinig ang namayani mula sa Palatiw, Pasig. Isa siyang makatang Pasigueño na naglakas-loob na magpahayag ng kaniyang mga saloobin sa pamamagitan ng mga tulang Kastila. Ang kaniyang mga tula ay may himig at estilong maihahambing sa mga akda ni Federico García Lorca, humahalo sa karaniwang tropikal at Asyanong sensibilidad. Naiiba ang ganitong tinig sa karaniwang nakikita sa panitikang Pilipino noong panahong iyon. Ang makatang ito ay si Federico Espino Licsi.
Nagmula si Espino Licsi sa isang pamilyang Pasigueño na may mga kasaping guro. Sa panahong unti-unti nang humihina ang paggamit at impluwensiya ng wikang Kastila sa Pilipinas, naging pambihirang pigura siya sa larangan ng panitikan. Kinilala siya ng mga kapwa manunulat at ng mga akademikong patuloy na gumagamit ng wikang Kastila. Gayunman, hindi siya lubusang nakilala at nabigyan ng kaukulang pagpapahalaga sa sarili niyang bayan.
Noong 1978, ginawaran si Federico Espino Licsi ng Premio Zóbel, isang mahalagang gantimpalang pampanitikan sa Pilipinas na itinatag noong 1920 ni Don Enrique Zóbel de Ayala. Layunin nitong itaguyod at parangalan ang mga Pilipinong manunulat na nag-aambag sa panitikang nakasulat sa wikang Kastila. Sa mahabang kasaysayan nito, naging mahalagang bahagi ang gantimpalang ito ng pagsisikap na mapanatili ang panitikang Pilipino sa wikang unti-unting naisantabi sa pambansang buhay.
Kabilang sa mga kinilalang manunulat ng Premio Zóbel ang mga tanyag na personalidad tulad nina Nick Joaquin, León Ma. Guerrero, at Blas Ople. Ang pagkilala kay Espino Licsi ay naglalagay sa kaniya sa hanay ng mga manunulat na nagpatuloy sa tradisyon ng panitikang Pilipino sa wikang Kastila.
Ang pagkakagawad ng Premio Zóbel kay Espino Licsi ay hindi lamang personal na karangalan para sa kaniya. Karangalan din ito para sa Pasig, sapagkat ipinakikita nito na may mahalagang ambag ang isang Pasigueño sa panitikang Pilipino sa wikang Kastila. Bagama't nagsulat din siya sa Tagalog, Ingles, at iba pang wikang Pilipino, sa panitikang Kastila niya nakamit ang natatanging pagkilalang ito.
Sa ganitong pananaw, maaari nating ituring si Federico Espino Licsi bilang mahalagang kinatawan ng tinatawag na prosa pasigueña en lengua española o panitikang Pasigueño sa wikang Kastila. Higit pa sa kaniyang mga akda, kinakatawan niya ang isang bahagi ng kasaysayang pampanitikan ng Pasig na nararapat pang saliksikin at ipakilala sa mas maraming mambabasa.
Doong Disyembre 13, 2025, sa programang Pasig sa Ika-20 Siglo na pinangunahan ng Saliksik Pasig, tinalakay ko si Federico Espino Licsi at ang kanyang mga akdang isinulat sa wikang Kastila. Mahalaga ang talakayan na ito hindi lamang upang matuklasan ang mga nakaligtaang manunulat at akda, kundi upang higit nating maunawaan ang intelektuwal at kultural na kasaysayan ng ating lungsod.

Comments
Post a Comment